Pages

Wednesday, February 18, 2009

Si Mrs. Lucas...^__^ (Isang Tribute)

Kung napapansin ninyo lately, parating may kinalaman sa Math at sa Math prof ko ang mga posts.. halata bang favorite ko sila?? (Ang subject at ang mismong prof) Ngayon naman eh magchichika ako tungkol mismo kay Ma'am Lucas, ang prof namin ngayong second sem sa Math 12. (Medyo naghehesitate pa talaga akong ipost ito nung una.. Pero napost ko na eh, yun na yun. wahaha.) Tungkol ito sa kanya at sa kung papaano ko siya naging most favorite na prof. Hindi ito echus-echos lang ha. Totoong totoo ang lahat ng mga nakasaad dito. *inhale... Outhale.* hehe.

~~~~



Haaaaaaaaaay, second sem. Tandang-tanda ko pa ang unang araw ko para sa ikalawang semester ng aking unang taon sa kolehiyo. Parang kagaya din 'yon ng pasukan kapag June, kasi maraming bago sa environment. Bagong mga kaklase, bagong classrooms, bagong subjects at siyempre, bagong profs.


Ayun, mga bagong professors. 'Yun ang parating laman ng utak ko noong first day, kung sino ang mga magiging bagong teachers namin, partikular na sa subject na Math 12 - College Trigonometry. Palibhasa Mathematics ang talagang favorite subject ko, at siya ring unang period namin para sa araw na 'yon, kaya 'yon din ang unang pumasok sa isip ko.


Nakatunganga lang ako noon, habang nakaupo na sa isa sa mga armchairs at naghihintay na dumating ang first-period prof namin, nang bigla na siyang umentrada sa aming silid. Isang babaeng guro na may pamilyar na hitsura ang dumiretso sa platform sa harapan kung nasaan ang professor's table and chair. Hindi ko pa alam ang pangalan niya, pero bago pa siya makapagpakilala ay naulinigan ko na ang sinabi ng isang bagong kaklase ko na, "Ay, si Ma'am Lucas pala ang prof natin sa Math!"


Ah, so siya na pala si Professor Lucas, ang magiging instructor namin sa Math para sa buong semester. Napakapamilyar na rin sa akin ng pangalan niya, hindi lang dahil sa isa siya sa mga authors ng ginagamit naming module, kundi pati na rin dahil isa siya sa mga miyembro ng napakasikat na grupong P.L.M. --- ang all-woman trio ng mga pinakamababagsik at pinakamagagaling na guro sa Pamantasan; "L" stands for "Lucas". Agad akong ninerbyos sa nalaman ko. Parang na-intimidate na na-thrill. Si Mrs. Lucas, na kinikilala ng karamihan bilang isang "terror teacher", ang siyang isa sa mga instructors namin ngayong second sem? Parang sa mga oras na 'yon, nagsimula na akong mag-alanganin, kung matutupad pa ang inaambisyon kong flat one sa Math ---- ahem!.. At lalu akong na-challenge sa pagpapatuloy ng "plano" kong bumawi mula sa tumataginting na 2.5 na grade ko sa Math noong nakaraang semester.


Pero it turned out na hindi naman pala nakakatakot na maging prof itong si Ma'am Lucas (Basta ba wag lang siyang mawala sa mood, kundi "Patay tayo diyan!"). Sa katunayan pa nga niyan, natutunan kong mag-look forward sa bawat klase niya sa amin habang unti-unting nawawala ang intimidation ko sa kanya. Nag-eenjoy na ako uli sa subject na Mathematics, hindi lang dahil sa magaling magturo si Ma'am, pero dahil na rin sa nakakatuwa siya kapag umiral na ang "makulit" na sense of humor niyang hindi pupwedeng hindi magpatawa sa buong klase. Ang isa pang bagay na nagustuhan at ikinatuwa ko kay Ma'am ay ang parating pagpapaalala niya sa aming umayos kami sa pag-aaral, para maging maayos ang grades namin at magtagal kami sa PLM (na nagpapakita ng concern niya para sa estudyante.). Masyado na nga akong nag-eenjoy na halos hindi ko na namamalayang nakatulong na rin pala siya at ang kanyang pagtuturo sa unti-unting pagmove-on ko mula sa masaklap na dos-singkwentang natamo ko noong first sem, at pati na rin sa pagbubuti ko pa lalo sa pag-aaral.


Doon ko na rin naging paboritong guro si Mrs. Lucas. Hindi ko 'yon inaasahan, pero hindi din pala imposibleng mangyari. Sa loob ng apat na buwang pagtuturo niya sa amin, isa-isa kong nakita ang pag-angat ng mga katangian niyang pagmamay-ari ng isang mapitagang guro: ang mahusay at epektibong pagtuturo ng asignatura, sense of humor na pampadagdag-kulay at buhay sa klase, concern para sa kanyang mga estudyante, at siyempre, dedikasyon at pagmamahal para sa propesyon. Hindi na talaga bale kung meron ding angking "ka-tarushan" itong si Ma'am, ang importante ay nasa kanya na rin ang mga characteristics na nabanggit... Dahil, sa tingin ko, kung may mga katangian ang isang guro kagaya ng sa mga nabanggit ay lalung nagiging mas worthwhile ang buhay bilang isang estudyante.


Ngayon, masasabi kong naging mas masaya at memorable ang buong second sem. Naging mas enjoy ang pag-aaral, lalu na para sa subject na Math. Salamat nang marami kay Mrs. Lucas, ang matarush, makuwela at mahusay naming professor!
:D


~~~~
In fairness, hindi siya ang unang Math teacher na naging favorite ko... Sa totoo lang yung subject teacher ko noong high school na siyang "top 1" kumbaga, at susunod sa listahan ng mga favorites ko eh iilan ding mapitagang Math teacher! Siguro talagang mas madali ko nang magustuhan ang guro kapag "addiction" ko din ang tinuturong subject. Di ba may foint, este point ako?? ^______^
Siya nga pala. Kung nabasa ninyo sa title, isa itong tribute post, siyempre para na rin mismo kay Ma'am Lucas. Pero alay ko na rin sa lahat ng mga guro ang post na ito. Lalu na sa mga teacher na naging bahagi at magiging bahagi ng buhay-estudyante ko. Sa mga guro ko magsimula noong saling-pusa pa lang ako, hanggang sa naka-abot ako ng elementary, high school, at siyempre ngayong college na rin (Marami-rami na rin kasi sila, natatandaan ko pa naman sila kahit surname na lang, pero siyempre kakalurkey naman kung isa-isa kong babanggitin ang mga pangalan nila!)! Special mention din ang lola ko na isang retiradong guro pero sa tingin ko ay nanatili pa ring guro kahit matagal na ring natapos ang kanyang serbisyo. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanilang lahat.. Halos lahat na ng mga kaalaman ko ngayon, pati ang pagka-realize ko sa kursong gusto kong talaga, galing din yon sa mga naituro at naitulong nila sa akin. Hindi ko man ito nasabi nang diretsahan sa kanila dati; gusto kong i-express ang aking warmest gratitude para sa kanilang lahat!
At ngayon isa naman ako sa mga susubok na sumunod sa kanilang yapak. Siguro nga impluwensiya at inspirasyon ko na rin silang lahat, lalu na ang lola ko at si Mrs. Lucas, sa pagpili ng kursong may kinalaman din sa pagtuturo... Sa ngayon kapag iniisip ko kung paano na ako kapag naging teacher na rin ako, parang hindi ko mahinuha ang lagay ko noon.. Parang nakaka-intimidate na nakaka-challenge! Pero ito din palang pagtuturo ang propesyon o bokasyong mapupusuan ko. Hindi ko yun agad na-realize, pero gaya nga ng sinabi ko kanina, iyan ang isa sa mga naitulong sa akin ng mga gurong naging bahagi ng buhay ko. At alam kong dapat talaga akong magpasalamat sa kanila dahil doon.

1 comment:

Samantha said...

I'm sure mom will be pleased and will actually laugh with what you have written here. This is Samantha Lucas, her daughter. :D ^^