Oh, andito na naman ako. At hindi na nga natupad yung "pramis" ko sa huling blogspot ko. Tsk. Eh sa hindi rin kasi natupad (as in nagkanda-gulu gulo na) ang sked namin sana para sa buong week na ito.Isa pa, insipirado akong gawin ang blogpost na ito.
Parang walang konek no? Pero meron talaga. Meron, meron, meron.
Ang lahat kasi ng mga events na yan --- mula sa pagkagulo ng sked namin hanggang sa pagiging inspired ko sa pagsulat ng post na ito --- ay may kinalaman na rin sa pagpanaw ng dating Pangulong Corazon C. Aquino.
Hinintay ko lang na dumating ang araw na ito sa buhay ko para magkuwento (nang mahaba-haba) tungkol sa isang makabuluhang kaganapan sa Philippine history.
***
Noong August 1, 2009, Sabado, sinalubong ang bansang Pilipinas ng isang malungkot na balita: pagkatapos ng halos labingpitong buwang pakikipaglaban sa karamdamang colon cancer, tuluyan nang binawian ng buhay si Gng. Corazon "Tita Cory" Aquino. Talagang nagluksa ang ang sambayanang Pilipino. Bagaman aware ang lahat sa naging kalagayan ng dating pangulo, siyempre, iba pa rin talaga ang impact ng pangyayaring yun sa mga tao... Ang paglisan ni "Tita Cory" ay talagang isang malaking kawalan para sa ating lahat.
***
Hindi na rin nga ako masyadong nagulat, as in yung bonggang bonggang gulantang to the nth power, sa nalaman kong balita. Actually, naulinigan ko lang talaga ang balita sa isang kaklase ko, habang may tinetesting kaming experiment, noon ding Sabado ng umaga.
"Kawawa naman si Cory Aquino, namatay na [daw] siya," sabi ni klasmeyt M sa isa pa naming kaklase.
Natigilan ako sa narinig ko. Doon na rin ako sumabad sa usapan. "Ano?"
"Sabi ko, namatay na si Cory Aquino. Kaninang 4 am."
"Ah.. Ganun," responde ko kay klasmeyt M.
Sa mga oras na yun, wala akong naramdamang disbelief... With all due respect to our former president, pero, nitong mga nakaraang linggo eh naging constant na rin sa daily news ang updates tungkol sa kalagayan niya. So, hindi din naman maiiwasang magkaroon ng notions na ganun din naman ang endpoint, na kukunin din siya ng Panginoon. Hindi din naman biglaan at mabilis ang mga pangyayari, kaya sa tingin ko wala talaga akong dapat ikagulat sa balita.
Pero, sa kabila ng kawalan ng disbelief, naroon pa rin ang presence ng kalungkutan. Alam kong nakadama pa rin ako ng kurot sa puso ko, gaya ng milyung milyong Pilipino, dahil sa tuluyang paglisan ng minsang naging ilaw ng ating bansa na si Tita Cory.
Nagpatuloy lang ang diskusyon namin sa umagang yon. But at the back of my mind, tumaliwas ako sa sinabi ni klasmeyt na "kawawa" siya, dahil in fact, di ba nga tuluyan nang mamamayapa si Tita Cory? Simula ngayon ay malalayo na siya sa paghihirap ng buhay sa mundong ito... at hindi magtatagal, makakamit na rin niya ang walang hanggang kaligayahan sa piling ng Poong Maykapal.
***
Nung nalaman kong dadalhin ang mga labi ni Pres. Aquino ngayong araw sa Manila Cathedral (na, by the way, walking distance lang naman mula sa PLM), nanabik din ako. Ibig sabihin nun, pwede na pala akong makadalo sa public viewing ng burol niya. At least, makikita ko siya for the first and the last time; ni minsan kasi sa tana ng buhay ko, hindi ko pa talaga siya nakikita in person.
Kaya nga nagplano na ako kahapon kung ano ang mga gagawin ko sa araw na ito sa skul, para pagkatapos eh didiretso na lang ako sa nasabing destination.
Pagkatapos, biglang nagbago ang sked namin, eh. Na-cancel na ang nag-iisang exam namin para sa araw na 'to, at ayun, nagkandasabug-sabog na ang sked sana namin sa buong linggo. How come? May kinalaman nga sa pagpanaw ni Tita Cory. Nirequire na rin kasi kami (malamang sa utos na rin ni Mayor Lim) na mga estudyante at employees ng Pamantasan na mag-abang sa may rebulto ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino sa Roxas Boulevard (na walking distance din lang naman mula sa PLM) para na rin ma-witness ang funeral parade para sa dating pangulo.
Siyempre, sumunod na rin ako sa utos na yun. Minsan lang naman dumating ang ganitong pangyayari; kumbaga HISTORY na ito. Isa pa, gaya nga ng sinabi ko kanina, gusto ko na ring masilayan si Tita Cory kahit minsan lang. Kung hindi man ako makapunta sa cathedral, perhaps being present at the funeral parade was the next best thing. (Tsk... sana pala nagpunta na rin ako nun pagkatapos ng parade. Sayang..)
Ayun, so hindi na muna ako nagpunta sa Cathedral gaya ng pinlano ko. Naki-abang na kami sa may Roxas sa loob ng mahigit na apat na oras, para sa pagdaan ng funeral parade ng yumaong presidente. Mula alas-onse pasado ng umaga hanggang sa alas-kuwatro pasado na ng hapon, naghintay kami nang bonggang bongga (buti nananghalian na ako sa skul bago kami nakapunta ng Roxas).
More than four hours yun, day, at marami-rami munang chenez na nangyari eh. Nasa gitna pa kami ng kabilang lanes (kaming mga BS Math II lang!) dahil ang orihinal na puwesto ng mga taga-PLM eh kinuha ng mga taga-Phil Coast Guard. Sobrang dami na ng mga sasakyang dumaan.. At dumating na nga ang isang van ng GMA 7 na pumarke malapit sa amin (BTW, nakunan din kami ng stolen millisecond footages ni Kuya Cameraman, at ang echusera at ambisyosa ninyong lola eh natuwa nang makita ang sarili --- sa iba-ibang anggulo, sa loob ng ilang millisecond --- sa 24 Oras. Wehehehe). Binugso na kami ng ulan ni Jolina o ni Kiko, at siyempre nasikatan din ng araw. Nakibalita na rin kami sa progress ng funeral parade mula sa Makati. Sa pagkainip at pagkapagod ko na rin sa pagdaldal, binilang ko na lang ang mga nakikita kong sasakyang may yellow ribbong nakabuhol.. Halos 280 din ang nabilang ko hanggang sa magsawa na rin ako (mula sa bike, motorcycle, sidecar, truck, kotse, pati kalesa! At may humihirit pang askal na tinalian din ng yellow ribbon sa leeg!). Inuulit ko, mga kaibigan, mahigit apat na oras ang paghihintay namin sa kahabaang yun ng Roxas Blvd., kaya parang katumbas na rin ng oras na yun ang digression ko dito. *Tonoink!* Ang dami na rin nga ng mga nainip talaga sa kakahintay kaya nagsi-alisan na sila; kami lang ngang magkakaklase, onse nung dumating doon pero after those long hours of waiting eh naging sais na lang kami. Gayunpaman, hindi pa rin ako sumunod sa mga nagsi-evaporate nang mga nilalang... Nag-stay pa rin ako sa kinaroroonan ko, kahit na sa totoo lang eh nainip na rin ako (kung hindi ba naman mahigit apat na oras at nagsimula sa tanghaling tapat.. ang ganda ko naman di ba!) at nangawit at sumakit na rin ang mga paa't binti ko habang nag-aabang. Deadma sa Japan na lang ako, anyway, makabuluhan naman ang pinunta namin doon... And it's still worth the long waiting.
Pumatak na ang pasado alas kuwatro ng hapon, at dumating na rin ang pinakahihintay naming lahat [na natira]: ang mismong funeral parade ng dating Pangulong Cory Aquino.
Unang una sa paradang yon ay ang isang malaking truck, na may nakasabit na puting banner sa harapan, may mensaheng "MAHAL KA NAMIN, CORY!" Sa likod ng truck, makikita na ang kinalalagyan ng mga labi ni Pres. Aquino -- isang wooden coffin na tinakpan ng telang itim at ng Watawat ng Pilipinas. Guwardiyado ng isang sundalo ang bawat sulok ng nasabing kabaong. Punung-puno din ng mga puti at dilaw na bulaklak ang flooring na kinatatayuan ng kabaong at ng mga sundalo.
Natigilan ako nung na-realize kong nakita ko na ang dapat naming makita at bigyang-pugay. Sinundan ng paningin ko ang kabaong na yun, sabay sabi sa sarili kong "Nasa loob niyan ang mga labi ni Pres. Aquino..."
Kasunod ng truck ay ang mga convoy na bus, kung saan nakasakay ang mga kapamilya ng yumaong presidente. Pinangungunahan sila ng bunsong anak, ang sikat na TV host na si Ms. Kris Aquino. Gaya ng ibang miyembro ng kanilang pamilya, nakadungaw na siya sa harap ng madla, at halata sa kanyang mukha ang malungkot na ekspresyon ng kanyang mukha, habang kitang nakataas ang kanyang kanang kamay may "Laban!" sign. Sa mga nakita kong yon, napa-"Laban" sign na rin ako nang kusa, kasabay ng paghawak ng ipinamigay na dilaw na flaglet, bilang responde sa mga kaanak at mga taga-suporta ng dating pangulo.
Nakadaan na rin ang buong parada. Nag-umpisa nang magsi-alisan ang mga tao, at ako nama'y nag-alangan pa kung uuwi na ba ako o didiretso na ba sa katedral para sa public viewing sa mga labi ni Pres. Aquino. Bandang huli, napagdesisyunan ko na ring bumalik na rin sa bahay, kahit na talagang nagsisi ako sa choice na yun... May ikukwento pa rin naman ako sa mga kapuso ko sa probinsya... At may ikukwento na naman ako sa blog kong ito.
***
Pagkadaan ng truck kung saan nakasakay ang mga labi ni Tita Cory, at pagkakita ko kay Ms. Kris, naramdaman ko na naman yung parehong emosyong bumalot sa akin nitong weekend. Nangilid ang luha ko, at halos mapa-iyak na naman ako.
Yun ang hindi ko masyadong maintindihan sa sarili ko. Mukha yatang naapektuhan din ako sa pagkamatay ng dating presidente, ah? Alam ko, natural lang sa tao ang malungkot sa tuwing makakaalam ng pagpanaw ng iba... Pero sa totoo lang kasi, hindi talaga ako nagiging ganito ka-emosyonal at apektado sa pagpanaw ng isang kilala at ma-impluwensyang tao. Ngayon lang, and to the extent na may pa-luha-luha factor pa akong nalalaman. To think na hindi ko na rin halos naabutan ang simulain at pamamayagpag ng termino ni Tita Cory bilang isang pangulo, ang mga nalalabing yugto na lang ng kanyang buhay.
Siguro nga, naramdaman ko rin ang pagluluksa at paghihinagpis na nadarama ng mga kaanak at tagasuporta niyang naiwan. Siguro din nga, ganun na talaga ka-tindi ang mabuting impluwensyang dulot ni Tita Cory. Sa sobrang tindi nito, nabigyang-impluwensya din ako, bagaman nabuhay na ako sa panahong flashbacks na lang ng kanyang kahapon ang nasasaksihan ko. Siguro nga, kahit subconsciously man lang, sa mga flashbacks ding yon ay nakita at naramdaman ko kung gaano sinuportahan at minahal ng sambayanang Pilipino ang dating pangulo.. Kaya na rin ganoon na lang ang reaksyon ko sa mga nasaksihan ko sa loob ng tatlong araw.
***
Maituturing ko na ngayon bilang isang life-changing event ang paglisan ni Tita Cory. Para sa akin, life-changing ito, kasi nagbago na ang pananaw ko tungkol sa pamahalaan natin, or should I say na nagkaroon na ako ng specific na side na papanigan... Na-realize ko na kung gaano karami ang lahat-lahat na ng kontribusyon niya para sa ating bansa, at marahil para sa buong mundo na rin. Naisapuso ko na rin ang kahalagahan ng demokrasya dito sa Pilipinas, at importansyang ibinigay dito ng mga Pilipino, simula nang makamit nating lahat sa tulong na rin ni Tita Cory. At siyempre, na-realize ko ding sa kabila ng lahat ng mga aberyang nangyayari ngayon, dapat pa rin akong maging proud, dahil isa akong Pilipino.
Sana magsilbi ding insipirasyon para sa ating lahat, lalu na para sa mga kabilang na sa henerasyon ko, ang dating Pangulong Corazon C. Aquino. At sana wala ring makalimot sa mga ipinaglaban at itinulong niya para sa sambayanang Pilipino noong nabubuhay pa siya. Dahil siguradong sa paraang yon, talagang mananatili siya sa puso't isipan natin.
Tita Cory.. Maraming Salamat po sa lahat-lahat. Lalung lalu na sa demokrasyang inihatid ninyo para sa ating bayan... At PAALAM din po!

“Ako’y nagpapasalamat sa inyong lahat at lalong-lalo na sa Panginoong Diyos, na ginawa niya akong isang Pilipino. Talagang karangalan ko iyon, na maging katulad niyo at maraming salamat sa lahat ng tulong na ibinigay niyo sa akin.” – Corazon C. Aquino
(1933 – 2009)
photo source : Definitely Filipino at Facebook
May the soul of Tita Cory finally rest in peace... And may she find everlasting happiness, together with her late husband Senator Ninoy, in the welcoming arms of our Almighty Father in the heavens above.
No comments:
Post a Comment