Pages

Sunday, August 21, 2011

Himala ng Birhen sa Antipolo (1947)

Sa wakas, nadagdagan na naman ang listahan ng mga lumang pelikulang Pilipino na napanood ko na. Sa wakas eh may panibago at mukha namang matino na post na maipapangalandakan ko dito. At eto ngayon, napag-isipan ko ding gawan ito ng review-reviewhan o analysis kuno para sa pelikulang napanood ko.



Ang pelikula ay pinamagatang Himala ng Birhen sa Antipolo, na pinangungunahan nila Rogelio dela Rosa at Rosa del Rosario. Ito ay sumailalim sa panulat at direksyon ni Susanna C. de Guzman, at ipinalapas noong 1947. Para sa buod ng pelikula, pakitingnan na lang sa link na ito. (Haha, tinamad nang gumawa?)

Bale, puro komento nang talaga ang mga susunod na idadaldal ko dito.

1.      Para sa Rogelio dela Rosa – Rosa del Rosario loveteam. Pagkacute-cute naman ng tandem nila Rogelio at Rosa. Bagay silang dalawa; ang ganda nilang pagmasdan at panoorin sa mga eksena nila. Ang ganda din ng chemistry sa pagitan nila. Hindi man sumisiklab ang chemistry na ito gaya ng kina Rogelio at Carmen Rosales (sila na kasi ang pinakafavorite kong loveteam, hehehe), may “something” pa rin sa samahan ng mga bida ng Himala ng Birhen na nagbibigay-kilig sa dating ng mga eksena nila. Kahit na tinginan at ngitian lang nila, solved ka na, eh; ‘yun ang gusto kong klase ng loveteam. Unforgettable ang Rogelio – Rosa team-up, para sa akin. Lalu nang unforgettable, AT cute, kung isasaisip nating silang dalawa din ang magka-partner sa kanilang pinakaunang pelikula (Ligaw na Bulaklak, 1932). Awts.
2.      Para sa indibidwal na pagganap ng mga bida.
a.     Si Rogelio dela Rosa bilang Ramon. Keribels na keribels niya ang pagganap bilang isang med student, na pagkatapos ay naging doktor. Bukod pa diyan, mas nagmukha din siyang probinsiyano kaysa kay Rosa del Rosario sa eksena kung saan  may boodle fight at kumakain sila na naka-kamay. Haha. :)
b.     Rosa del Rosario bilang Pacing. Ito ang unang beses na napanood ko ang pagganap ni Rosa del Rosario, pero sa totoo lang eh talagang napa-elibs na niya ako. Unang-una sa lahat, napahanga ako nang husto sa angkin niyang kakaibang ganda—hindi sobra sa kagandahan ngunit madaling umangat ng pagka-amo ng mukha niya—naglalaban ang mga lahing pinagmulan ni Rosa: Amerikano at Kapampangan. Ikalawa, siyempre napahanga din ako dahil sa kakayahan niya bilang isang aktres (Ano pa nga ba?). Napaka-natural niya at convincing sa kanyang pagganap bilang isang dilag na probinsiyana at debotong Katoliko (deboto siya ng Nuestra Señora de la Paz y Buen Viajes). Kung siya din talaga ang nagkanta sa ilang musical numbers ng pelikula, eh ‘di lalung mahusay. Isa si Rosa del Rosario sa mga napakaraming halimbawa ng tunay na talento na noon lang talaga mas madaling makita. Ngayon, na-gets ko na rin kung bakit siya ang itinuturing ni Rogelio dela Rosa bilang pinakapaborito niyang leading lady—Kapampangan pa man din ‘yang si Rosa...Sabay ganun?!—Ah, Carmen Rosales, please move over a bit.
3.      Para sa istorya at nilalaman ng pelikula. Sa umpisa, maganda naman ang takbo ng kuwento. Nakakawiling panuorin ang mga eksena kung saan nagkakilanlan sina Pacing at Ramon, bukod sa iba pang mga bumuo sa pelikula. Realistic ang pagrerepresenta ng mga eksena na may kinalaman sa pananampalataya ng mga deboto ng Birhen, at ng kapistahan at kasiyahan sa lugar ng Antipolo sa panahong ‘yon. Ayos din ang pagkakagawa ng script, lalu na sa usapan ng magloveteam kapag nagtutuksuhan o naglalambingan sila.
Kaya lang, napansin ko, parang nagkaroon ng kaunting kalabuan ang mga eksena papunta sa kasukdulan. Ang ibig kong sabihin, “nagkulang” lang sa ilang detalye ang kuwento at mga kaganapan. Kumbaga, medyo “loose” na ang pagkakasama-sama ng mga detalye sa bahaging ‘yon ng pelikula. Ito eh base lang naman sa obserbasyon ko...
Magkagayunman, masasabi kong isa ding tunay na kayamanan ang pelikulang Himala sa Birhen ng Antipolo. Napakainam na halimbawa nito para sa paglalarawan ng pamumuhay ng mga Pilipino noon—ang matiwasay at simpleng-simpleng buhay sa probinsiya; suyuan at lambingan ng mga magsing-irog (walang-kawala ang HARANA!); kariktan ng mga tanawin (Hinulugang Taktak!); kasiyahan at bayanihan ng mga tao lalu na tuwing kapistahan; higit sa lahat, ang walang-kapantay na pagkapit sa pananampalataya at pananalig sa Diyos.
Nakakalungkot isiping sa panahon natin ngayon, hindi na gaanong laganap ang mga pangyayaring kagaya ng mga senaryo sa Himala ng Birhen sa Antipolo... Pero sana, sa pananatili ng buhay ng pelikulang ito, magsilbi din ito bilang impluwensiya sa bagong henerasyon upang muling ibalik ang sigla ng ating buhay dati-rati, nang sa ganoon ay mapanatili ding buhay ang kulturang sariling atin.
4.    Karagdagang side commentSSSSS.
a.     Si Rosa Mia at ang kanyang role. Siya [uli] ang nanay ng isa sa mga bida (at si Rogelio dela Rosa ang isa din sa mga bidang ‘yun)...’tapos sa kalagitnaan ng kuwento, biglang mapapag-alamang may sakit din pala siya at malalagay sa peligro ang buhay niya...NA NAMAN? Napuna kong parating ganyan ang role niya kahit sa ilang pelikulang napanood ko na—mapa-Sampaguita Pictures o LVN Pictures man:



Side-comment para sa side-comment: Iisa din ang direktor at writer ng huling dalawang pamagat, eh. Si Susanna C. De Guzman nga ‘yon.

            Sa ibang pelikula pa kaya? Makikita din natin ‘yun. :p

b.     Si Ramon bilang unico hijo ni Don Julian. Dito lang ako nakakita ng eksena na ang binatang bida (binata, as in ADULT MALE!!!) eh humahalik pa sa noo ng tatay niya. Etong mas malupet, DALAWANG BESES pa na nangyari ang eksenang ‘yon; san ka pa?! Kung ang ibang mga binatang maton eh ayaw nang gawin ang ganoon sa TATAY pa nila, eh naiiba itong kina Ramon at Don Julian. Para bang ang gesture na ‘yun eh nagsasabi ng mga katagang “THE HELL WITH MACHISMO!” Uy, hindi naman ‘yun nakaka-asiwang panoorin; ‘yung eksena ng mag-ama, ‘kako. Nakakatuwa pa nga dahil napaka-natural nilang mga nagsipagganap sa eksenang ‘yun. Isa pang dagdag-cute factor para sa pelikula. [Sana meron pa ring ganyang lalaki sa totoong buhay, ano? Pwede ‘yan!]
c.     LVN na LVN; kayo na kasi ang mga taga-LVN (hehe). Eto din ang isang napansin ko sa ilang pelikula [na napanood ko] na iisa lang ang production company: pare-parehas ang mga setting sa ilang eksena. Siyempre pati ‘yung ibang nagsipagganap, sila-sila din. Napakagandang halimbawa na naman nitong Himala ng Birhen...
                                                                                       i.      Sa isang lokasyon ng eksena.



                                                                                     ii.      Sa mga artistang gumanap.

Engracio Ibarra ang pangalan sa ikatlong hanay, at Tony Arnaldo naman para sa ika-lima... Jose Cris SOTO naman 'yung sa ika-apat imbes na SOTO. :)
 
Kung si Mila del Sol din ang bidang babae dito, iisipin ko talagang parang nanood lang ako ng Sarung Banggi...na iniba ang kuwento.
d.     Pinakahuling side comment; Pramis! Rogelio at Africa dela ROSA. ROSA del Rosario. ROSA Mia. ROSA ROSAL. Pagkatapos basahin ang mga pangalang ‘yan (siyempre pati yung mga naka-ALL CAPS), maiisip niyo ba ang naiisip ko ngayon? HUMAHALIMUYAK lang naman ang hardin, este cast ng pelikulang ito! :p

***

Isang napakalaking paningit: Sana ganiyan din kadaling gumawa ng thesis. O, kung irerestate natin ‘yan: Sana ganito kadaling ma-inspire na gumawa at bumuo ng thesis. ‘Di ba?


           

No comments: