Oktubre 23, 2010.
Ito ang petsa na nagsilbing hudyat ng panimula ng pagkakahumaling ko kina
Rogelio dela Rosa pati sa mga ka-henerasyon niyang bituin; na nagpatuloy sa
pagka-engganyo ko sa panonood ng mga produksyon mula sa Sampaguita at LVN
Pictures maging sa iba pang production companies noon; na nadugtungan ng
pagkawili ko sa pakikinig sa mga likha ni Nicanor Abelardo at ng mahuhusay
nating mga kompositor, habang naghahanap at nakakadiskubre ng mga kundiman at
samu’t sari pang klase ng lumang tugtugin; na nagpalawak nang husto sa
kahumalingan ko sa mga “kalumaan,” partikular na sa mga kalumaang may kinalaman
sa ating mga Pilipino.
Ngayong isang buong taon na ang nakalipas, napagdiskitahan ko na namang
sumakay sa aking imaginary time machine upang bumyahe pabalik-tanaw sa naunang
panahong ‘yon.
Kapag inaalala ko ang mga nakaraang yugto ng pagkabuhay at pambubulabog ko
dito sa mundong ibabaw, basta ko na lang nare-realize na ilang beses na rin
palang nagbadya si Kalumaan na suyuin ako para mahumaling sa kanya. Pero
siyempre, sa umpisa’y ignorante pa ako kaya nadedeadma pa sa Japan itong si
Kalumaan. O kaya naman, papansinin ko nga siya; kaso nga lang, hindi kalaunan
ay magpapakipot na ako kaya mababasted na rin siya.
Eh kung ganooon ang mga naunang nangyari, paano naging ganap ang pag-uumpisa
ng adiksyon kong ito?
Ganito ‘yun eh: sa pamamagitan ng Walang Tulugan with Master Showman.
‘Yung palabas ni German Moreno sa GMA 7 na umeere sa tuwing Sabado ng hatinggabi?
Malamang, ‘di ba, may napanood nga akong kahindik-hindik doon kaya bigla akong
naaya sa pagsubaybay sa Pinoy klasiks.
Tandang-tanda ko pa nga ang episode noon ng Walang Tulugan―actually,
dalawang magkahiwalay na yugto ang mga ‘yon; isa sa Oktubre 23 at isa sa
Oktubre 30. Ang naunang bahagi ay pagbibigay-pugay para sa mga nai-ambag ng mga
artista at pelikula ng Sampaguita Pictures, samantalang ang ikalawa naman ay
inilaan para sa LVN Pictures. Pagkatapos kong mamataan ang larawan ng mga artista
at movie clips ng mga pelikulang ‘yon noon, ayun... SAPOOOOL! Bigla na lang
akong naengganyo nang husto sa mga nakita ko. Saka ko na lang nalaman, ADIK na
pala ako!
At talaga namang naaalala ko pa kung sino ang nilalang na maraming beses
ding nambulahaw, nag-imbita, at nang-INFLUENZA sa akin para panoorin ang mga
nasabing kabanata. SINO PA NGA BA? Wala nang iba kundi ang “bilas” kong si
Pauline Gail, na noong panahong ‘yon ay nag-umpisa nang mahumaling (nga ba?)
kay Barbara Perez.
***
TEKA MUNA. Commercial break! Magbabalik din po kami pagkatapos ng ilang
paalala (Gawin daw bang palabas sa TV ito? Sows.).
Commercial #1. At bakit naman bilas ang tawag ko sa kanya? Simple lang.
Kasi, sa akin si Rogelio dela Rosa, at kay Pauline naman si Jaime dela Rosa.
Pero paminsan-minsan, inaagaw ko din sa kanya si Papa Jaime, eh. HAHAHA.
Commercial #2. Ang napakalaking KASO (all-caps nga dapat, kasi nga
napakalaki), mukhang si Bilas mismo eh nanlalamig na, hindi lang para kay Jaime
pero sa Pinoy Klasiks na rin sa pangkalahatan! ‘Wag mo nang subukang i-deny,
Paulina. Damang-dama ko ‘yun. Wagas kaya. Ang lakas ng signal na nasasagap ng
mga sungay ko. As in, try mo! (Kaya nga ginawa ko din ito eh, baka sakaling
bumalik ang dating pagtingin mo para kay Papa J.! HOHOHO)
Commercial #3. Tama po ang inyong nabasa. May sungay po talaga ako. Hindi po
kasi ako tunay na tao; bagkus, isang Boazanian ang inyong abang-lingkod. Pero
totoo po ang mga sungay ko at hindi isja-fake gaya ng ganun kay Neil Armstrong
("Borrrrutessss Faaaayvvv-ah!"). Samakatwid, hindi po ako
aliping Boazanian. Itong sungay ko eh gaya ng mga pakpak ni Erica na pwedeng
mag-appear-disappear sa kagustuhan niya ("Daaaaaai-mosss-uh!").
(Kung naka-relate ka, eh ‘di masaya! Kung hindi naman... Kunwari na lang naka-relate
ka para masaya pa rin!)
Oh, sapat na ang ka-maisang commercial break na ito. Baka malugi lang
ang sponsors niyan eh (Meron pala nun dito?! Hohoho). Gorabelz, back to the
show kuno!
***
Umpisa na nga ng adiksyon sa mga “kalumaan.” Palibhasa, ang Internet ang
pinakamadaling gamitin para sa paghahanap ng mga gustong hanapin,
nagbaka-sakali akong suyurin ang bawat dimensyong ihahatid ni Google; baka may
makalap din akong mga impormasyon na gusto kong malaman tungkol sa pinakabagong
adiksyon ko. Sa kabutihang palad, may napapala naman ako sa
paghahalungkat ko sa sangkaterbang mga web sites sa Internet bagaman mas
madalas ay kokonti lang o wala na din akong mahalungkat na karagdagang
impormasyon tungkol sa karamihan ng mga pelikula o anu man na nabuhay na noon.
Bukod pa diyan, na-diskubre ko din na kahit hanggang ngayon ay
may mga tao pa ring patuloy lang ang pagsubaybay o pagbibigay-pansin at halaga
sa mga pelikula at musikang sariling atin. Ibig sabihin nito, hindi
lang ako nag-iisa. May mga maituturing akong mga kakampi sa pagbabalik-tanaw sa
gandang ipinamalas ng kultura natin lalu na sa dating panahon, kahit na
karamihan sa kanila eh hindi ko [pa] ka-chokaran talaga.
Kaya nga sa kabila ng mga aning-aning, este anu-anong mga bagay na pwedeng
magsilbing balakid sa pagprogreso ng kahumalingan kong ito, mas pinili
ko pa ring ipagpatuloy ang pagpopost at pagsheshare ng mga bagay na kasama sa
mga nahahalughog kong mga mahiwagang baul sa Internet. Kahit na ba
nandyan ‘yung mga pagkakataong nararamdaman ko na parang wala atang pumapansin
sa mga pinangangalandakan ko sa Facebook o saan mang website, patuloy pa rin
ako. Adik-adik na nga ang lola ninyo, eh; isa itong paraan para mapunan ang
adiksyon ko. Isa pa, hindi naman kalaunan ay mapapag-alaman ko din namang
MERON palang MGA pumapansin at nagtutuon ng atensyon sa mga bagay na ‘yon.
Hindi lang ‘yan! Bukod sa napapasaya ko na ang sarili ko, kahit
papaano’y may ibang tao din na naaaliw sa mga inaakala kong hindi
kapansin-pansin na posts, links, o anu pa man.
Masaya na nga ako. Kahit na ba minsan, wala na talaga akong
makita ultimong bakas nung bagay o tao na hinahagilap ko sa Internet (madalas
eh dito lang ako nakaka-halungkat, eh!) at minsan talagang nakaka-frustrate
much lang, hindi nagsilbing rason ‘yon para itigil ko na ang
kahumalingan kong ito. Wapakels na lang din ako sa mga
nakakadesperadang parte ng pagkakaloko ko sa kalumaan. Eh sa sumasaya na talaga
ako dito kahit paano, ‘di ba? Bakit ko pa ihihinto ito?
Isang taon na nga ang nagdaan. Mula noon sa pinakaunang araw hanggang sa
ngayon, masugid pa rin akong sumusubaybay at nanghahalughog ng mga samu’t
saring mahihiwagang baul na nakita ko na at baka sakaling makikita ko pa. Sa
loob ng nakaraang tatlong daan at limampu’t anim na araw, marami-rami din ang
mga nangyari. Ang ikinaganda pa nito, kasabay ng mga pangyayaring ‘yon, napakarami
din ng mga nalaman at natutunan ko. Marahil, ang siyang
pinaka-importanteng bagay na na napulot ko sa kahabaan ng isang taon, ‘yun na
‘yung bigyan din ng atensyon ang mga katha at personalidad na
nabibilang sa “sariling atin,” sa kabila ng pagpansin sa mga dayuhang
counterpart ng mga ito, kasabayan man nila o hindi. Bilang karagdagan,
natutunan ko ding lumingon upang magbalik-tanaw para hagilapin ang
nakalipas na mga dekada, hindi lamang para sa katuturan ng pagkawili at
pagka-aliw; subalit para na rin sa pag-asang sa pamamagitan ng mga nahagilap na
kayamanang ‘yon, mabibigyan ng kasagutan ang mga katanugang nagmukhang
walang resolusyon noong umpisa; baka sakaling magbigay-daan din ito sa
pagkakaresolba ng ilang mga isyu sa kasalukuyan. Dahil sa adiksyon kong ito,
masasabi kong tuluyan ko nang na-appreciate ang mga bagay at mga taong naging
bahagi ng nakaraang panahon, na nag-ambag ng napakalaki para sa kultura nating
mga Pinoy; natutunan kong bigyan ng importansya ang dugo at pawis na inilaan
nila para sa pagpapalago ng kagandahan sa sarili nating kultura. Sa ilang
punto, masasabi ko ding nakatulong ang adiksyon kong ito upang matutunan kong
dagdagan pa ng saysay ang pagkatao ko bilang cien por ciento
Pilipino.
Nagdaan na nga ang isang taon; heto na naman ang panibago na namang yugto. Kahit
na ba parang mauubusan na yata ng supply itong si Google para sa mga panibagong
nilalaman ng mahihiwagang baul, magpapatuloy pa rin ako sa paghahalughog sa
World Wide Web, at pati na rin siguro sa iba pang kongkretong lugar na pwedeng
mahalughog. Maghahanap pa rin ako ng mga pwedeng mahanap; manonood pa ako ng
mga pelikula noon lalu na ‘yung mga hindi ko pa talaga napapanood; makikinig pa
rin ako ng mga lumang tugtugin at papag-aralan ang mga hindi ko pa nalalaman
para maikanta ko din mismo ang mga kantang ito. Siyempre patuloy lang ang
pagsalakay ng shared links at kung anu-ano pa sa wall ko at saan pa man sa
Internet na maaari akong makihasik ng napakagandang lagim. At bakit naman hindi
ko ito itutuloy? Samantalang, dumadami na rin pala ang populasyon ng mga taong
interesado na na naaaliw sa mga ito; kung hindi man eh mga taong dati’y walang
interes pero naeengganyo na ring lakbayin pa nang maigi ang mga ito.
Tuloy ang Ligaya (1958), mga kaibigan. Isang taon pa LANG naman
ito, paramihin pa nga natin! Palaganapin pa natin ang kahumalingang ito; ang
kahumalingang maituturing ko nang ‘di-hamak na MAKABULUHAN talaga. [Malay
natin, sa paglipas ng panahon eh lumitaw 'yung mga pelikula o anu pa mang parte
ng mga kalumaan na matagal na nating inaakalang habang buhay nang naglaho (Pati
ba naman 'yun? Eh sa hindi ako nawawalan ng pag-asa dun! HAHA)?] Nawili na rin
ako dito; wagas na; halata naman, ano?... Eh, kayo naman? Ang saya-saya kaya
nito, TRY NINYO! :p
-S.A.M. Bucu
P.P.S. Kailangan ko ng ganitong inspirasyon para sa paggawa ng research
paper. Oh ha. Hahaha. Anubayun.
No comments:
Post a Comment