Pages

Sunday, July 31, 2016

Ang Taba-Taba Ko! (Eh Ano Naman Ngayon?)



“Ang taba mo!”
“Nanganak ka na rin?!”
“Hindi ka mukhang dalaga, mukha ka nang nanay.”
“Para kang v-in-ulcanize.”
“Ba't an'taba mo???”
“ANG TABA-TABA MOOOOO!!!”

Kasabay ng pagtuntong ko sa edad na bente-uno ay ang pagdalas ng mga ganyang ‘bati’ mula sa mga makakakita ulit sa akin. Nalaos nang husto ang tipikal na “Kumusta ka na?” dahil sa mga panibagong pambungad nilang 'yan. Palibhasa, buong buhay nila ay mas nasanay silang masilayan 'yung Sam na payat. 'Yung Sam na patpatin. 'Yung Sam na halos buto't balat, kaunti na lang at lilipad na. Bukod sa relationship status ko, wala yata silang ibang naisip usisain kundi ang kinahinatnan ng pangangatawan ko.

In fairness.

Kaplastikan kung sasabihin kong hindi ako naapektuhan sa mga pambungad nila. Lalo na't 'via unanimous decision' ay pare-pareho nilang pinupuna ang pagtaba ko. Sabihin na nating kapuna-puna naman talaga ang pisikal na pagbabago sa anyo ko. Pero, bakit paulit-ulit pa nilang ipinupunto 'yun habang magkaharap kami? Hindi makaget-over, bhe? Kailangan bang ipagduldulan 'yun talaga sa akin? Ako pa ba ang hindi magiging aware sa pag-eksena ng mga bilbil ko para ipagduldulan nila 'yun nang ganun? Nakakarindi. Magkagayunman, komportable ako sa katawan ko; sila lang ang hindi.

Siyempre, ang kadalasang resolusyon ng mga gaya kong nananaba—ano pa nga ba? Eh 'di ang magpapayat! Minsan ay may kaparis pang pagbabanta, “'Pag ako, pumayat, ‘HU U’ KAYO SA 'KIN!!!” Malamang, alam naman natin ang kadalasang nangyayari sa mga bumabanat ng ganyan… 'Yun ay kung talagang may nangyayari ngang sang-ayon sa pagpayat na tinatamasa nila.

Naku. 'Wag ako. Iba na lang, uy.

Bagaman apektado ako sa mga naunang puna, hindi ko hinayaang pangunahan ako ng mga ito hanggang sa kontrolin ako nito sa kung ano ang dapat kong gawin sa sarili ko. Bakit ko babaguhin bigla ang anyo ko samantalang komportable naman ako rito sa pangkalahatan? Dahil lang ba nagulat sila at marahil ay napangitan, sapagkat hindi ito ang uri ng magandang idinidikta ng lipunan?

Bagaman nakakasagi na minsan ng self-esteem ang tirada ng iba (heller, “v-in-ulcanize“???), hindi ko 'yun ginawang dahilan para gutumin na ang sarili ko, sa pagbabaka-sakaling pumayat ako kaagad. Kasi, alam kong hindi makakatulong ang biglaan at malawakang pag-aayuno; bagkus, makakalala lang 'yun ng sitwasyon. Gutom ka na nga sa self-esteem habang bumababa ang tingin mo sa sarili mo, gugutumin mo pa ba lalo ang pisikal na aspeto mo? Kung naranasan mo nang magutom dala ng wala na kayong makain, bakit mo gugustuhing danasin ulit 'yun, dala lang ng pag-aakalang ikagaganda mo 'yun sa paningin ng iba?

Katarantaduhan.

Tutal alam kong kaya ko pa ring dalhin ang sarili ko sa kabila ng lumapad na waistline, wala namang dapat pang problemahin. Bahala sila sa buhay nila; ma-stress na sila sa kakaproblema sa pagtaba ko. Charot.

Patuloy ang mga pagkaganda-gandang pagbati *ubo*. Gayunpaman, wala akong ginawang malawakang diet program para sa planadong pagpapapayat, at para lang ma-“Hu u” silang lahat. (Sa katunayan kasi niyan, may katamaran ako para roon, hahaha.) Patuloy akong kumokonsumo ng mga gusto kong pagkain. Napapasarap nga lang minsan ang pagchibog… Eh sa masarap naman talaga! Pinapaalalahanan ko na lang ang sarili ko na dapat, may hangganan pa rin ang lahat, ultimo ang sarap ng pagkain. Lagi akong nagpapasalamat dahil may naihahain sa hapag sa bawat araw. Hinding-hindi ko pagkakaitan ang sarili ko sa pagkaing ipinagkaloob sa amin. Mapalad na tayo kung tutuusin dahil may makakain tayo. Pagkatapos, babale-walain natin 'yun para lang magmaganda?

Tse.

Habang binubusog ko ang digestive system ko, pinagtuunan ko na rin ng pansin ang pagbusog sa pagkatao ko. Payat ka nga, maganda ayon sa mata ng lipunan, eh kung bopols na pagdating sa ugali at kaisipan, hindi ba't bale-wala pa rin? Isa pa, 'di-hamak na mas mahirap pagandahin ang kalooban kaysa katawan natin. Hindi ba?

Pinilit kong huwag maging ganap na mahawa sa pananaw na kapag mataba, pangit na; na ang bilbil, kadiri. Dahil parang sinasabihan ko na rin ang sarili ko na pangit ako at kadiri ang mga taba ko. Oh, edihuwaw na naman para sa self-esteem. Mahirap din palang tumaliwas sa ganitong kaisipan, lalo na't ito ang mas laganap sa kapaligiran.

Ilang beses tuloy akong napatanong sa sarili ko:

Ano nga ba ang problema sa pagiging mataba o sa pagtaba ng tao? Bakit kung makapagreact ang karamihan, parang sumpa ang nasisilayan nila, imbes na natural na reaksyon ng katawan natin sa pagbabago? Kung hindi naman ito lubusang makakaapekto sa pamumuhay natin at hindi naman ito ganoon ka-grabe, bakit kailangan na nating masamain agad ito? Bukod sa hindi mo na mai-suot ang mga dati mong damit, ano pa nga na ang dapat na ikalungkot sa pagtaba?

At, paano naging pangit ang dating itinuring na maganda sa mata ng lipunan?

Sa puntong ito, ni isa sa mga tanong na 'yan ay hindi pa rin nabigyan ng ganap na kasagutan. Pinipilit ko pa ring huwag basta matangay sa agos ng mga pananaw na nakasanayan natin. Tuloy lang ang buhay. Sa kalaunan, pumayat ako nang kaunti kahit hindi talaga nagdidiyeta. Pero mataba pa rin ako sa nakikita ng iba. Tumaba ulit. Pumayat na naman. Pero mataba pa rin talaga para sa iba.

Jusko, bahala na kayo kung ano ang makita ninyo. Basta, pagkatapos kong magtuon sa pagpapaganda ng kalooban imbes na katawan LANG, mas pinili ko na ring maging MAGANDA. Hindi lang MAGANDA na dulot din ng pag-aayos at ng mga papula. Kundi, TUNAY na MAGANDA, kaysa maging payat LANG.

Magbebente-kwatro na ako ngayong taon. Gaya ng nabanggit, mataba pa rin ako para sa ilan. Hindi pa rin lubusang maganda, ayon sa kasalukuyang pamantayan ng loko-lokong lipunan. Eh ano naman? Bakit ko pa poproblemahin 'yun, kung mukhang nagbunga naman ang pinili kong paraan ng pagpapaganda? Hindi katulad ng dati, iba na ulit ang paraan ng pagbati ng mga makakasalubong ko. Kadalasan, isang nagliliwanag na ngiti na ang sasalubong mula sa kanila. At, sa maniwala man kayo o sa maniwala kayo, binabati nila ako sa mga katagang: “Ang ganda-ganda mo naman!”

Oh, 'di ba? Hindi man pang-Miss Universe ang pigura, “confidently BEAUTIFUL with a heart” naman ang peg ng lola n'yo!

Achieve na achieve.

[02.16.2016]

No comments: