Pages

Wednesday, August 31, 2016

Mula Noon... Pati Ba Naman Hanggang Ngayon?


[07.16.2016]

Taong 2008 noong nagsimula ako sa pag-aaral sa kolehiyo sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Dahil isang dakilang "promding" nahawahan ni Dora the Explorer sa pagka-lakwatsera, sabik na sabik akong libutin at makita ang Kamaynilaan. Kaya isang araw pagkatapos ng mga klase ko, naisipan kong mag-ikut-ikot sa mga kalapit na lugar ng pamantasan--nang mag-isa.

Carriedo ang napili kong unang destinasyon. Tinatanaw ko lang noon ang nasabing lugar sa tuwing humihinto ang LRT sa istasyon doon. Nagpalakad-lakad ako sa kahabaan ng kilalang kalyeng, walang partikular na patutunguhan. Balewala sa akin ang mga nababalitaan kong karumal dumal na karumal-dumalan; eh magta-tanghali pa lang kasi. (Kahit na sa kalaunan, napag-alaman kong wala nang pinipiling oras ang mga karumal-dumalan sa Maynila.) O baka sadyang malakas lang ang trip ko kaya naglakas-loob akong nagpakalat-kalat sa banyagang teritoryo.

Nananahimik ako sa paglalakad sa harap ng SM Clearance Outlet. Hindi ko namalayang may lalaking sumasabay na sa akin. Bata pa siya, siguro'y iilang taon ang tanda niya sa akin. Wagas kung makadikit sa akin si kuya habang may ipinapakitang bagay na nasa palad niya.

May naaninagan akong kinang ng kulay ginto. Tanikala ng alahas. Sa nasulyapan ko, mukhang napatid na ang tanikala niyon. Kwintas o pulseras siguro.

"Ate, bagong-snatch lang ito. Bilhin mo na, five hundred na lang," ang pagkakatanda kong isinitsit niya sa akin.

Bilang ang dakilang "promding" bagong-salta sa lugar na 'yun, nagimbal ako nang husto sa narinig ko kay kuya. Wala akong naisagot sa inalok niya. Tahimik akong umiling saka lumayo agad sa kanya. Hindi na siya nagpumilit pa. Marahil ay naghanap na siya ng iba niyang aalukan ng alahas na hawak niya.

Halos hindi ko 'yun kinaya, bagaman walang nang iba pang nangyari kasunod noon. Animo'y 'yun na ang nagsilbing "baptism of fire" ko kunwari bilang ang bagong lakwatsera sa Kamaynilaan. Paminsan-minsa'y bumabalik pa rin sa alaala ko ang umagang 'yun.

Sa araw na ito, tuluyan akong binalikan ng pangyayaring 'yun sa Carriedo.

Mahigit walong taon na ang nakalipas matapos ang aking "baptism of fire". Tila ba nagkanda-déjà vu ako o ano pa kani-kanina habang naglalakad sa labas ng isa pa ring mall--ang Jenra Mall sa siyudad ng Angeles. Ang ipinagkaiba ng mga pagkakataong ito, maaraw nung una kong pinagdaanan ito. Ngayon naman, inuulan. Sa pagsuong ko sa maulang panahon, nadaanan ko ang isang binatilyo, walang payong at hinahayaan ang sariling mabasa sa buhos ng ulan. Papalapit na ako sa kanya nang nakita kong nilalahad niya ang palad niya sa direksyon ko. Doon, may piraso ng papel na nakarolyo. Agad niyang inilatag ang papel para ipakita ang ikinikubli nitong kapirasong tanikala ng gintong alahas."'Te, bagong snatch lang--"

Hindi ko na siya hinayaang matapos. Madali na akong humakbang papalayo sa kanya, kahit nababasa na ang sapatos ko sa bawat paghakbang ko.

Mukhang sinundan pa rin ako ng binatilyo. O baka kapraningan ko na 'yun. Parang naririnig ko pa rin kasi ang parehong boses. "'Te... Ate..."

Ilang segundo pa ang lumipas. Nakita ko siyang tumawid na sa kabilang panig ng kalye, patuloy na nagpapakabasa sa ulan. Marahil, naghahanap na ng ibang maalukan ng alahas na hawak niya.

Kung nung unang beses ay nagimbal pa ako, ngayon ay halos kabaligtaran na. Parang wala na yatang gimbal, ni gulat. Sa kabila ng iilang narinig ko noong nangyayari doon, hindi ko pa rin lubos na inaasahang doon pa mangyayari uli sa akin 'yun, sa Angeles pa.

Nakuha ko pang sulyapan ang binatilyo bago siya tuluyang maglaho sa paningin ko. Wala na akong ibang magawa kundi mapabuntong-hininga. Lalo na nang maalala ko pati ang unang binatang naka-enkwentro ko sa Carriedo. Paniguradong may kadahilanan kung bakit nagawa nila ang paraang 'yun. Malamang, nagbabaka-sakali rin lang sila na kumita ng kakaunting halaga ng pera, para mairaos ang araw.

Maynila at Angeles--dalawang magkaibang siyudad sa magkahiwalay na rehiyon. Taong 2008 at 2016--walong taon ang pagitan. Mula kay Arroyo hanggang kay Aquino--ang dalawang presidente na nagsitapos na sa kanilang mga termino. Marami man ang nagbago sa loob ng nakalipas na panahon ngunit sa pagkakaulit ng mga kaganapan, parang marami pa rin ang nananatili ng walang pagbabago.

Ganiyan nga ang nangyari noon... pati ba naman magpasa-hanggang ngayon?

No comments: