Pages

Monday, July 10, 2017

Nilalamon na tayo ng social media. Ng Internet. Ng teknolohiya.

Madalas, hindi mo na alam kung alin sa mga nakikita mo ang totoo. O, kung may totoo pa ba sa mga ito.

Mukhang hindi talaga natin alam, dahil karamihan sa atin, paniwalang-paniwala na kaagad sa unang tingin. Kumakagat na tayo sa mga nakikita, nababasa, at napapanuod natin. Ang mas malala pa, para sa ilan sa atin, ang mga ito ang nagiging "absolute truth". Ni hindi na natin makuhang isipin man lang kung anong meron sa iba pang panig ng 'di-umanong "katotohanan".

'Yung inaakala nating makakatulong sa atin, hanggang akala lang pala.

Saglit ka na lang magta-type, kaunting galaw ng daliri mo ang kailangan para makapag-kalap ka ng impormasyon. Kailangan mo lang ng dagdag na panahon para magbasa at umintindi. Pero namimihasa na ang ilan sa atin. Gusto yata isalaksak pa sa mga baga ang kaalaman bago nila tuluyang ma-absorb. Akala ko ba matatanda na tayo? Bakit spoonfeeding pa rin ang gusto ninyo?

Hindi naman tayo natuturingang naglalaro ng Chinese garter sa pagliliwaliw natin sa Cyberspace, pero kung makapag-"jump into conclusions" tayo, parang championship round na ang narating.

"Look before you leap." Nagkandabugbog na sa pagkahulog mula sa mataas na itinalon, saka pa lang naisipang tumingin.

"Think before you click." Pinagkandarapaan na ng nakararami matapos ang pag-"click", saka pa lang nila nagawang mag-"think".

Ang lakas pa ng loob bumida ng iba: kesyo nasa "modern age" na tayo. Kesyo ganito, kesyo ganon.

Oo nga, kaso mukhang ang age lang ang siyang naging modern. Pero ang mga taong nakapaloob dito... alam pa ba ninyo ang mga pinagsasabi ninyo? 

No comments: