Pagbabalik-tanaw na lang talaga ito. Dati na akong gumawa ng serye ng mga posts tungkol sa pagkuha ko ng BS Math. :) Eto, eto, eto, at eto ang mga 'yun...
***
Enero, taong 2009. Ikalawang semestre ng unang taon ko sa Pamantasan. 'Yun din ang unang semestre na naging guro ko si Mrs. Lucas. Trigonometry ang klase namin sa kanya.
Minsang napag-usapan sa klase ang napipintong pagpili namin ng kurso. (Nasa General Education Program kasi kami noon; pagdating lang ng second year kami magkakaroon ng kurso.) Sa unang pagkakataon, tinanong kami ni Ma'am:
"Sino sa inyo ang may balak na mag-BS Math?"
Tahimik lang muna ang lahat, na tila pang-final exams ang tinanong sa amin, at may karampatang grado ang maibibigay na sagot sa aming propesor.
Ako naman, nangahas na nagtaas ng kamay.
Lalu yatang natahimik ang apat na sulok ng aming silid-aralan. *Krik-krik, huni ng kuliglig.*
Napatingin tuloy ako sa ibang mga kaklase ko. Saka ko napagtantong AKO LANG PALA ANG MAG-ISANG NAGTAAS NG KAMAY. Paktay lolXD
Matapos ang ilan pang katanungan, nagsabi na si Ma'am sa akin, "Miss Bucu, mag-BS Math ka na..."
Magmula ng araw na 'yun, lagi na akong sasabihan ni Ma'am na tumuloy na nga sa naturang kurso. Nagkataong 'yun din naman talaga ang balak kong kunin. Napupusuan ko na nga ang BS Math; kahit 'di na ako sabihan, malaki na ang posibilidad na 'yun na ang ilista ko sa unang choice ko ng mga kurso. Pero siyempre, iba pa rin 'yung mayroon pang dagdag na pang-uudyok mula kay Mrs. Lucas. Nagsilbi ding pabor sa akin 'yun. Kumbaga, isang napakagandang senyales para sa akin 'yung mga pagpapaalala ni Ma'am, para dumiretso na nga ako sa landas ng BS Math.
Hanggang sa wakas, natanggap ko na ang diploma ko─ang katibayan ng titulong hawak-hawak ko na, ang Dalubhasa sa Agham ng Matematika (Bachelor of Science in Mathematics). Sa kalagitnaan ng pakikibaka ko para sa pagkamit ng diplomang ito, sangkaterbang mga pagsubok din ang dumating para kaharapin ko. Siyempre, hindi naging biro ang pagharap at pagraos sa mga pagsubok na 'yun. Gayun pa man, hindi nagsilbing dahilan ang mga 'yon para bumitaw ako sa kursong ito. Bagkus, nagsilbing instrumento ang mga pagsubok na 'yun upang mapatunayan ko sa aking sarili at sa buong mundo na mamahalin at mamahalin ko pa rin nang todo ang BS Math, pati ang mga taong nakasama ko dahil dito.
![]() |
| Ang mga nagsitapos ng Dalubhasa sa Agham ng Matematika, kasama si Mrs. Lucas, na nasa bandang dulo ng letrato. (Salamat kay Mitch Gutierrez para sa kuhang ito.) |
![]() |
| Sa kalagitnaan ng programa, pinuntahan talaga kami ng mga propesor namin sa kinauupuan namin para batiin kami... Hindi ba nakakataba 'yun ng puso? (Salamat uli kay Mitch para sa letrato.) |
Magsisilbing isang napakalaking karangalan para sa akin na mapasa-ilalim ng Departamento ng Matematika ng Kolehiyo ng Agham. Lubos akong nasisiyahan, sapagkat alam kong natagpuan ko na ang landas na nararapat kong tahakin, sa kabila ng lahat. Natagpuan ko ang kursong minahal ko at patuloy na mamahalin ko nang husto. Naisa-katuparan ang lahat ng ito, sa tulong na rin ng magandang pag-uudyok sa akin ni Mrs. Lucas. Habang panahon kong tatanawin bilang isang malaking utang na loob para kay Ma'am ang naging papel niya sa buhay ko bilang isang mag-aaral ng BS Math, bilang produkto ng Pamantasan.
![]() |
Oh, ha! Sa wakas, may kuha na rin kasama si Ma'am! Si Dr. Maria Isabel
T. Lucas. Sa kabila ng titulong nakamit niya, mas nanaisin pa rin niyang
tawagin bilang Mrs. Lucas (mas gugustuhin pa rin niyang kilalanin
bilang asawa ng kanyang mister. Ang sweet lang! Kinilig naman daw ako
doon.) Siya ang "L" sa ma-alamat na "PLM" ng Kolehiyo ng Agham. Isa siya
sa mga naging tagapagturo namin tungo pagiging Dalubhasa sa Agham ng
Matematika... At higit sa lahat, siya ang nagsilbing tagapag-udyok ko at
isa sa mga inspirasyon ko para sa pagkuha ng BS Math. :)



No comments:
Post a Comment